Monday, July 2, 2012

Xerex



                                                                                              Title:

XEREX

Running Time: 

108  min

Lead Cast:

Aubrey Miles, Jake Roxas, Jon Hall, Kalani Ferreria, Armida Siguion-Reyna, Luis Gonzales

Director: 

Mel Chionglo

Producers:

Lily Monteverde

Screenwriter: 

Roy Iglesias

Music:

Jobin Ballesteros

Editor: 

Jess Navarro

Genre:

Bold/Light-Drama/Suspense

Cinematography: 

Augusto Cruz

Distributor:

Regal Films

Location: 

Manila

Technical Assessment: 

• • •

Moral Assessment: 

+ +

CINEMA Rating:  

For mature viewers 18 and above



Tatlong uri ng mga babae ang naglahad ng kani-kaniyang sexperience na pawang nalathala sa artikulong Xerex: Sa "Kama", si Breezy (Aubrey Miles) ay isang kolehiyala na unti-unting namumulat sa sex dahil na rin sa kanyang modernong Lola (Armida Siguion-Reyna) na bukas sa usaping pagtatalik. Minsan sa isang costume party ay di sinasadyang nakaniig niya ang campus heartthrob na si Hunk (Jake Roxas). Aakalain ni Breezy na si Hunk ay seryoso sa kanya ngunit sadya pala itong mapaglaro kung kaya't gumawa siya ng paraan upang paglaruan at makaganti dito. Sa "O" naman ay malapit ng ikasal si Marge (Aubrey Miles) na naguguluhan kung siya ay tutuloy pa sa pagpapakasal sapagkat hindi niya naranasan sa lalaking kanyang pakakasalan ang rurok ng ligaya o orgasm.  Naranasan niya ito sa isang estranghero (Kalani Ferreira) na kanyang nakaniig ng limang magkakasunod na araw.  Ito ang lalong nagpalala ng kanyang pagkalito.  Isang probinsiyanang elevator girl naman si Jasmin (Aubrey Miles) sa "Butas" na pinagpapantasyahan ang isang matipunong lalaking (Jon Hall) araw-araw sumasakay ng elevator.    Nag-umigting lalo ang kanyang mga pantasya nang masilip niya sa "butas" ang pakikipagtalik ng kanyang bagong kapit-kuwarto. 

Isang makabago at kakaibang uri ng paglalahad ng kuwento ang Xerex.  Nagsubok ang pelikulang tumaliwas sa kumbensiyon ng tipikal na pelikulang bold o drama.  Naging matagumpay naman ang Xerex sa aspetong ito sapagkat pawang batikan ang manunulat (Roy Iglesias) nito't direktor (Mel Chionglo). Maayos ang daloy ng kuwento ng bawat kabanata na hindi lamang nakasentro sa "sexperience" kundi nabigyang lalim at laman din ng pelikula ang mas makabuluhang aspeto ng kuwento.  Wala nga lang malinaw na iisang konsepto ang trilohiya kung kaya't hindi gaanong malinaw ang nais sabihin nito sa kabuuan. May mga mangilan-ngilang sablay din sa editing. Hindi pa rin maikakailang hilaw at malamlam ang pag-arte ni Aubrey Miles. Hindi niya tuloy nadala ang pawang mga baguhan niyang kasama bagkus ay nahila pa niya ang mga ito pababa.  Naisalba naman siya ng ilang batikang artista na di matatawaran ang husay tulad nina Armida Siguion-Reyna at Ynez Veneracion.    

Ang mga kuwentong inilalahad at inilalathala sa mga artikulong tulad ng Xerex ay mga karanasang sekswal (tunay man o imahinasyon) na may layong gawing publiko ang mga kuwentong dapat lamang pinag-uusapan ng pribado. Taliwas sa kanilang pananaw na ito ang paraan upang mapalaya ang repressed na pagnanasa ng mga Pilipino, naniniwala naman ang CINEMA na hindi ang mass media o pelikula ang akmang behikulo sa ganitong layon.  Ang pagkamulat sa seks ay dapat ginagabayan din ng mga nakatatandang may tunay na malasakit upang hindi maging baluktot ang pananaw ng mga kabataan sa seks na kadalasang nagiging ugat ng maraming problema. Hindi naman lubusang naging iresponsable ang pelikula dito. Sinubok din ng Xerex na magbigay-aral at babala sa mga may malikot na kaisipan na pag-isipang mabuti ang mga gagawing hakbangin lalo na sa pagdidiskubre ng mga karanasang may patungkol sa seks.  Gayunpaman, hindi pa rin maitatatwa na naging malabis ang hubaran at bulgar na salitaan sa pelikula na maaaring magkaroon ng malakas na impluwensiya sa mga makakanood.



0 comments:

Post a Comment