Monday, July 2, 2012
EKIS
Running Time:
118 min
Lead Cast:
Mark Anthony Fernandez, Rica Peralejo, Raven Villanueva, Ricardo Cepeda
Director:
Erik Matti
Producer:
Vicente del Rosario III
Screenwriters:
Erik Matti, Joseph Calsada
Music:
Lourd de Vega
Editor:
Danny Gloria
Genre:
Action-Drama
Cinematography:
Ja Tadena
Distributor:
Viva Films
Location:
Manila
Technical Assessment:
• • ½
Moral Assessment:
+ + ½
CINEMA Rating:
For mature viewers 18 and above
Lingid sa kaalaman ng kanyang Lolo (Edduie Arenas), nagtatrabaho si Charisse (Rica Peralejo), bilang isang sexy dancer sa isang bar sa Maynila. Ang may-ari ng bar ay si Bunny (John Arcillas), isa sa mga galamay ni Dodi (Michael de Mesa), isang pinuno ng sindikatong may kinalaman sa iba't ibang uri ng krimen sa Maynila. Gawa ng di-mapigilang pagnanasang mapalapit kay Charisse, napasubo sa basag-ulo sa bar si Benito (Mark Anthony Fernandez), ang masugid na tagahanga ng mananayaw, at pinag-initan ito ni Bunny at ng kanyang mga alalay na maton. Sa pagtakas ng dalawa sa kaguluhan, ibinigay ni Charisse ang kanyang katawan kay Benito; sa kanya, ito ay pagtanaw ng utang na loob, ngunit sa lalaki na noon lamang nakaranas ng pagtatalik, ito'y pag-ibig na. Dito nagsimula ang isang napakahabang tanikala ng kaguluhan at patayan sa ngalan ng pag-ibig: pag-ibig sa laman at pag-ibig sa salapi.
Sa simula ng pelikula, mukhang may nais sabihin itong makabuluhan. Sa kalagitnaan, mukhang lumalabo ang mensaheng iyong inaasahan, bagama't umaasa ka pa ring makita ito. Pagkatapos ng pelikula, magtatanong ka na sa sarili mo kung ano bang talaga ang gustong sabihin ng Dos Ekis, ng direktor nito, ng mga artista, ng lahat ng gumawa nito? Mukhang kahit sila'y hindi alam kung ano ang gusto nilang sabihin. Kaunting kibot, suntukan. Pag napasubo, barilan. Kadulu-duluhan, puro patayan. Napakaraming pinggan, baso, plorera, telebisyon bombilya at mga bungong basag, pero bakit? Dahil sa pera at libog? Maliwanag ang aksiyong ginawa ng mga tauhan ngunit ang pagsasalarawan ng kabuuan ng tauhan ay hindi. Kaya nagmumukhang "pilit" ang aksiyon. Halimbawa, si Charisse na kailanma'y hindi nakahipo ng baril sa buong buhay niya, ay biglang mamamaril-at walang mintis, isang bala lang, patay ang tinamaan! Bigla siyang "magwawala" at papatay nang ganon-ganon na lang? Paano nagkaganon? Wala namang ipinahihiwatig man lamang sa pelikula na siya ay isang psychotic killer o schizophrenicman lang. At bakit ganon na lang katindi ang pagkahumaling ni Benito kay Charisse samantalang nakita na niya ang ugali nito at tinapat na siya ng babae na wala siyang pagmamahal dito? Tulad ng naunang halimbawa, wala ring babala o pahiwatig tungkol sa katauhan ni Benito na tutulong sa pang-unawa mo sa kanyang pagpatay dahil sa pagkahumaling na ito. Dapat sana, kahit sa pangungusap ay makuha na ng manonood ang mga bagay na makapagliliwanag sa istorya at characterization pero kahit ang dialogue ay naghihikahos sa sustansiya bagama't sagana sa "putangina" (at iba pang pagmumurang higit pa ang kabastusan).
Maraming nanonood sa unang araw ng Dos Ekis sa Megamall, bagay na ipinagtaka naming: ang habol kaya nila'y ang "bomba"—o para Makita ang mga "dinoktor" na dibdib ng mga manghuhubad na artista? Hindi naman siguro sila babayad ng limampung-piso kung ang ibinebenta lamang ng Dos Ekis ay barilan at murahan? Anuman ang dahilan ng manonood doon, tila nakahinga kami nang maluwag nang mapansin naming may ilang lumalabas ng sinehan sa kalagitnaan ng pagsasayaw ni Rica Peralejo. Walkoutkaya iyon? Sana. Nakapanglulumong isipin na nagdarahop na sa magagandang kuwento ang pelikulang Pilipino. Bakit sa dinami-dami ng mabubuting pangyayari sa buhay natin ay dito pa tayo nagtutuon ng pansin sa kasamaan-kasamaang hindi naman malinaw na ipinakikitang kasamaan? Sayang ang sinematograpiya—matatawag itong creative, di pang-karaniwan ang mga anggulo, ngunit nagagamit lamang ang husay na ito upang manatili sa gunita ng manonood ang mga eksenang madugo at makalaman—mga bawal na pagtatalik at walang saysay na pagdanak ng dugo. Sayang!
(Date reviewed: October 26, 2001)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment