Monday, July 2, 2012

Ate





Title:

ATE
Running Time:

110 mins

Lead Cast:

Ara Mina, Cristine Reyes, Paolo Paraiso, Ian Veneracion, Eddie Garcia

Director:

Lore Reyes

Producer:

Ara Mina

Screenwriters:

Peque Gallaga, Gina Marissa Tagas, Lore Reyes

Music:



Editor:



Genre:

Drama

Cinematography:



Distributor:

Reality Entertainment

Location:

Philippines

Technical Assessment:



Moral Assessment:



CINEMA Rating:

For mature viewers 18 and above



Si Helen (Ara Mina) ay isang mahigpit na Ate sa nakababatang kapatid na si Cleo (Cristine Reyes). Simula’t sapul, si Helen na ang nag-alaga sa kapatid. Subalit nasasakal na si Cleo sa nagiging paghihigpit ng kanyang Ate Helen lalo na kung ang pinakikialaman nito ay ang kanyang buhay pag-ibig. Minsang inutusan ni Helen ang asawa niyang si Dave (Paolo Paraisio) na paghiwalayin si Cleo at ang nobyo nitong patapon na at  ito ay ikinasama ng loob ni Cleo. Sa kabilang banda ay dumadaan sa matinding pagsubok ang pagsasama nina Helen at Dave. Hindi sila magkaanak matapos ang limang taon nilang pagsasama. Dahil kumpirmadong si Helen ang may diprensiya, unti-unting nanlalamig sa kanya si Dave. Dala ng kani-kanilang emosyon, magkakaroon ng ugnayan sina Cleo at Dave lingid sa kaalaman ni Helen na pilit binabalikan ng dating kasintahang si Lex (Ian Veneracion).

Maayos ang pagkakagawa ng pelikulang Ate at mahusay ang sinematograpiya at pagkaka-edit na siyang nagbigay ng bagong bihis sa halos palasak na kuwento ng mag-ate. Pasado rin ang pag-arte nina Ara Mina at Cristine Reyes. Bagama’t maikli ay markado ang papel ni Eddie Garcia bilang lolo. Si Paolo Paraiso naman ay medyo hilaw pa sa pag-arte. Ayos na sana ang kuwento sa kabuuan ngunit maraming butas ang kailangan pa nitong punan. Napabayaan ang karakter ni Lex. Hindi rin gaanong malinaw ang pinanggagalingan ng galit ni Cleo sa kapatid. Pawang mga kababawan kasi ang dahilan ng kanyang pagkamuhi dito. Hindi rin kumbinsido ang manonood na basta na lang mai-inlove si Dave kay Cleo ganung mas may mga higit na  katangian si Helen. Wala ring sapat na eksenang nagpapakita na sila Dave at Cleo ay nagkakapalagayang-loob. Panay pagtatalik lamang ang kanilang ginagawa sa tuwing sila’y nagkikita.

Maaaring nangyayari sa totoong buhay ang kuwento ng Ate at kapuri-puri ang hangarin ng pelikula na bigyan ng bagong anyo ang kuwento. Ngunit sadyang nakakabahala ang pinakita nitong kinahinatnan ng mga karakter na nagkasala. Walang naparusahan, walang naghirap at wala ring lubusang nagsisi. Pawang lahat sila ay panahon at pagkakataon ang sinisisi at hindi ang kanilang sarili. Paanong ang isang nakiapid sa asawa ng kapatid ay hindi man lang nagsisi sa kanyang ginawa at naging mapagmataas pa ito? Paanong ang isang asawa ay hindi man lang naghirap ang damdamin at hindi binagabag ng konsensya matapos lokohin ang asawa? Bagama’t maganda ang mensahe ng Ate ukol sa pagmamahal at pagpapatawad, nakababahala naman ang mensahe nito sa mga kabataan na pawang kinokonsinte ang pagrerebelde at pre-marital at extra-marital sex. Marami rin eksenang maseselan na hindi angkop sa batang manonood.


0 comments:

Post a Comment