Title:
SUKDULAN
Running Time:
105 min
Lead Cast:
Katya Santos, Raymund Bagatsing, Carlo Maceda, Bobby Andrews, Daria Ramirez
Director:
Mac C. Alejandre
Producer:
Vic del Rosario
Screenwriters:
Edgar Ilao
Music:
Eazer Pastor
Editor:
Genre:
Drama/Bold
Cinematography:
Distributor:
Viva Films
Location:
Technical Assessment:
• • ½
Moral Assessment:
+ ½
CINEMA Rating:
For mature viewers 18 and above
Sa biglang tingin ay larawan si Elaine [Katya Santos] ng isang kontentong babae sa piling ng kanyang asawang si Orly [Raymund Bagatsing]. Ngunit sa likod ng animo'y maayos na pagsasama, may suliranin silang dinadala patungkol sa kakayanan ni Orly sa kama. Ang suliraning ito'y naging dahilan ng pagiging bugnutin ni Orly na labis na ikinasama ng loob ni Elaine. Dahil dito ay sinubukan niyang idarang ang sarili sa apoy ng panunukso ni Miguel [Carlo Maceda], isang mapusok na binatang nangahas magpakilala sa kanya. Ninais ni Elaine na magwala at mag-eksperimento at naranasan niya kay Miguel ang kakaibang ligayang hindi niya nararanasan sa piling ng asawa. Halos mahulog na ang loob niya kay Miguel habang si Orly ay patuloy na nahihirapan sa pagsusuyo sa kanya upang maibalik ang dating sigla ng kanilang pagsasama. Lingid sa kaalaman ni Elaine ay pinaglalaruan lamang siya ni Miguel at nais lamang siyang isama nito sa kanyang koleksiyon ng mga babaeng naikakama niya. Mabubulag si Elaine sa pita ng laman hanggang sa umabot ang lahat sa sukdulan na magbabadya ng tiyak na kapahamakan.
Isang simple at halos karaniwang kuwento ng pagtataksil ang Sukdulan na binudburan ng iilang bagong elemento upang mabigyan ito ng panibagong bihis. Mahuhusay ang pagkakaganap ng mga pangunahing tauhan na sina Raymund Bagatsing at Katya Santos. Kapansin-pansin din ang husay ni Daria Ramirez bilang bulag na ina ni Orly. Ang baguhan namang si Carlo Maceda ay nangangapa pa sa pag-arte. Kontrolado ang daloy ng kuwento na nakasentro sa babaeng nagsubok magtaksil sa asawa. Ngunit kitang-kitang may mga ginaya sa pelikulang Unfaithful. Hindi rin kapani-paniwala ang maraming eksena ng pagtatalik na ginawa sa mga kakatwang sitwasyon. Bagama't kathang-isip, malayong-malayo na mangyari ang mga eksenang ito sa tunay na buhay sapagkat kulang sa lohikal na pagsasalarawan ang Sukdulan. Hindi rin nito nakuhang palalimin ang emosyon at karakter ng mga tauhan.
Talamak na tema sa pelikula sa kasalukuyang panahon ang pagtataksil ng asawang babae. Ang mga ito kaya'y kathang isip lamang o tunay na nangyayari sa kasalukuyan? Maari rin kayang ito ay hindi naman talaga bago ngunit maaaring senyales lamang ng nagbabagong pagtingin at pananaw sa imahe ng kababaihan? Kung ito ay paraan ng paglaban sa namamayaning "double standard" sa lipunan, maaari itong katanggap-tanggap. Ngunit hindi ito ang nagiging kaso tulad sa pelikulang Sukdulan. Bagama't naging matapang ang bidang babae sa paglaban sa pang-aapi ng asawa, pinalutang pa rin ang kahinaan nito sa pagpapagamit at pagiging sunod-sunuran sa kalaguyong lalaki na pinaglaruan lamang siya. Lumulutang sa pelikula ang pagsasabi nitong mas matinding parusa sa kapahamakan ang mangyayari kapag ang babae ang magtataksil at kahanga-hanga ang isang lalaking kayang magpaikot ng babae sa kanilang palad. Oo nga't sinasabi ng pelikula na walang kahihinatnan ang pagtataksil kundi kapahamakan, taliwas pa rin ito sa dami at haba ng mga eksena ng pagtatalik na siyang tunay na bentahe ng pelikula. Walang mabuting mapapala sa pelikulang katulad nito.
0 comments:
Post a Comment