Tuesday, June 26, 2012

TaTarin


Title:

TATARIN

Running Time: 

90 min

Lead Cast:

Dina Bonnevie, Edu Manzano, Rica Peralejo, Raymond Bagatsing, Carlos Morales, Patricia Javier, Ces Quesada

Director: 

Tikoy Aguiluz

Producer: 

Vic del Rosario III

Screenwriter: 

Ricky Lee

Music:

Willy Cruz

Editor: 

Miranda Medina-Bhunjun

Genre:

Drama

Cinematography: 

Ely Cruz

Distributor:

Viva Films

Location: 

Taal and Malolos

Technical Assessment: 

• • • ½

Moral Assessment: 

+ + ½

CINEMA Rating:  

For mature viewers 18 and above



Panahon ng dekadang 1920's kung saan ang mga babae, maging sa kilos at salita, ay kontrolado ng asawa at ng mga alituntunin ng lipunan. Hanggang sa pagsapit ng tatarin. Ang katagang tatarinay hango sa salitang tadtarin at sa pelikulang ito, ang tinutukoy ay ang pagtatadtad ng mga babae sa mga gumagapos sa kanilang katauhan at kalooban. Ito'y isang sinaunang ritual, isang puwersang di mapigilan, kung saan ang mga babae ay nagwawala at sinasaniban ng kakaibang lakas upang mabigyang katuparan ang kanilang mga pagnanais at pagnanasa… At sa ganitong katayuan makikita ang makaluma at dominanteng Don Paeng (Edu Manzano) at ang kanyang mayuming sunud-sunurang maybahay na si Doña Lupe (Dina Bonnevie). Ngunit sa pagdating ng tatarin, si Lupe ay pumiglas sa humahabol at sumisigaw sa galít na asawa. Sumama siya sa mga babaeng kumakanta at sumasayaw sa hatak ng tatarin. Nagkita sila ni Guido (Carlos Morales) na pinsan ni Paeng, at sa piling nito muli niyang naramdaman ang matagal ng hinahanap –hanap na mainit na paglalambing. Hindi tumigil si Paeng sa paghanap kay Lupe. Ngunit nang ito'y makita, paano niya haharapin ang mahiwaga at nagbagong Lupe na dumanas ng tatarin?

Ang Tatarin ay isang period film na hango sa kuwentong Summer Solstice ng national artist na si Nick Joaquin, bagamat may ilang karakter at eksena na dinagdag ang pelikula. Kahanga-hanga ang production design na talagang pinag-aralan at binusisi ni Dez Bautista. Angkop na angkop lahat ang kapaligiran sa dekada, sampu ng mga kasuotan, kilos at pananalita, mga lumang bahay, kalye at sasakyan. Malaki ang naitulong ng magandang mga kuha at musika na may kasamang ethnic na tugtog. Matututo at maa-aliw ang mga manonood sa paglarawan ng luho ng mayayaman ng panahon noon, pati na sa pagpakita ng mga pangyayari sa kapistahan ni San Juan Bautista na kasabay ang paganong tatarin. Magagaling lahat ang nagsiganap at bagay na bagay sila sa mga papel na kanilang ginampanan., lalung-lalo na si Dina Bonnevie na nagsimulang napakahinhin at nagtapos na isang pakawala. May istorya naman, ngunit di nabigyang diin ang kuwento ni Paeng at Lupe, sapagkat ang malaking panahon at pansin ay binigay sa mga maraming detalya ng ritual, na sa paulit-ulit na pagpakita nito ay naging napaka-boring.

Bagamat kinailangan sa pelikula ang walang tigil na pagiri-giring pagsasayaw ni Amanda (Rica Peralejo) at ng maraming babae sa ritual ng tatarin, pati na ang maraming eksena ng pagtatalik, ito'y ginawang totoong sensual at pinahabang masyado. Halatang-halata na ginamit lang ito ng prodyuser at director na panghakot ng mas maraming manonood. Totoong nabanggit ni Nick Joaquin ang ritual, ngunit ang mga detalye nito ay likha na ng imahinasyon ni Direktor Aguiluz. Pinakita dito ang hindi kagandahang relasyon ng mag-asawa noong panahon na iyon; naghahari ang lalake at parang mababa ang pagtingin sa babae. Wala siyang boses sa pamilya, sunud-sunuran lang sa asawa, at tinanggalan ng dignidad bilang kapwa tao, na labag sa utos-kristiyano. Ngunit ipinaramdam din na kapag kumilos ang mga babae at nagkaisa, ay "Humanda kayong mga lalake!". Ang lahat ng ito ay nilarawan bilang kuwento na walang pagsang-ayon o pagsalungat. Nasa manonood, na talagang dapat mature, ang pagpapasiya. Isa lang paala-ala: Ang Tatarin ay isa lamang alamat at hindi dapat paniwalaan ang lahat ng pinakita…


0 comments:

Post a Comment